Tuesday, October 29, 2019

Ang Nagpapakababa ay Lalong Lumalalim

"O Diyos, mahabag po kayo sa akin na isang makasalanan!’ Sinasabi ko sa inyo, ang lalaking ito'y umuwing matuwid sa harapan ng Diyos, at hindi ang Pariseo. Sapagkat ang sinumang nagmamataas ay ibababa at ang nagpapakababa ay itataas.” Lc. 18:13-14

Maging mapagpakumbaba, marami itong benepisyo.

Una na sa lahat, mabubuhay ka nang payapa.
Totoo ka kasi sa iyong sarili, hindi ka nagkukunwari.
Tandaan: kapatid ng pagkukunwari ang pagyayabang.
At mas mayabang ka, mas magulo ang iyong buhay.
 





















Pangalawa, matututo kang maging simple.
At ang simpleng buhay ay napakagaan dalhin.
Hindi mo kailangang bilhin ang lahat ng inaalok sa'yo.
Hindi mo rin kailangang magkaroon ng lahat ng mayroon ang iba. Ang ganitong pananaw ay mabubuo mo lang kung may kababaan ang iyong puso.

Ikatlo, makikita mo ang tunay mong sarili palagi,
At lalong higit, kung gaano kadakila ang Diyos sa iyong buhay.
Oo, ang mga taong mapagpakumbaba lamang ang tunay na makakapag deklarang ang DIYOS AY DAKILA!
Kapag mayabang ka, 'di mo kailan masasabi ito.
Kasi sarili lang ang nangunguna, sarili ang bida at hindi Diyos.

Tunay nga, palagi nating dasalin. "O Diyos, mahabag po kayo sa akin. Isang makasalanan."
 Isang mapagpalang araw kaibigan.